Maroons itinayo ang 5-0 record | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Ipinagpatuloy ng University of the Philippines ang pananalasa matapos gibain ang University of Sto. Tomas, 110-79, sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Dumiretso ang Fighting Maroons sa kanilang pang-limang sunod na panalo para sa pagkapit sa solong liderato kabaligtaran sa ika-limang dikit na kamalasan ng Growling Tigers.
Naglista si Harold Alarcon ng 21 points, 4 assists at 4 rebounds para sa UP na tuluyan nang tinabunan ang UST sa third period patungo sa kanilang 31-point win.
Ito ang unang 100-point output ng Fighting Maroons ngayong season na kapos ng limang puntos sa all-time high na 115 points ng La Salle Green Archers laban sa Growling Tigers noong 2017.
Samantala, tinakasan ng Far Eastern University ang nagdedepensang Ateneo De Manila University sa overtime, 66-61, para sa kanilang unang panalo.
Kumamada si L-Jay Gonzales ng 21 points para sa 1-4 marka ng Tamaraws kasabay ng pagpapalasap sa Blue Eagles ng 2-5 marka.
Ito ang unang panalo ng FEU sa Ateneo simula sa Season 81 noong 2018.