NU susukatan ang UE | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Muling masisilayan ang bangis ng National University kontra sa University of the East sa kanilang salpukan sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament na lalaruin sa SM Mall of Asia Arena ngayong araw.
Inaasahang sina Jake Figueroa at Patrick Yu ang magiging pangunahing armas ng Bulldogs na haharapin ang Red Warriors sa alas-12 ng tanghali.
Naging mabalasik sina Figueroa at Yu nang talunin nila ang DLSU, 80-77 noong Linggo kung saan tumikada sila ng 15 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Tangan ang 4-1 card, solo sa segundo sa team standings ang Bulldogs habang magkasalo sa third at fourth ang Green Archers at Adamson University Falcons na may parehas na 3-2 karta.
Nalasap ng UE ang pangalawang sunod na talo noong Linggo laban sa Adamson, 65-72, bitbit nila ang 2-3 record.
Samantala, maghaharap sa alas-10 ng umaga ang Ateneo at University of Sto. Tomas, makakaliskisan sa alas-2 ng hapon ang Far Eastern University at Adamson habang sa huling laro sa alas-5 ng hapon magbabakbakan ang La Salle at University of the Philippines.