SBP, PBA nagpasalamat kina MVP, RSA | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Walang iba kundi pasasalamat ang inihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Philippine Basketball Association (PBA).
Ito ay para sa lahat ng sumuporta at tumulong sa Gilas Pilipinas na maiuwi ang gintong medalya sa katatapos na 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China.
Pangunahin nang pinasalamatan sina business tycoons Manny V. Pangilinan (MVP) at Ramon S. Ang (RSA) na nagsanib-puwersa upang suportahan ang Pinoy squad.
Malaki ang naging papel nina Pangilinan at Ang sa hangaring maibalik sa Pilipinas ang kampeonato ng Asian Games sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit anim na dekada.
“Individual and combined passion for the upliftment of Philippine basketball has motivated the entire team to aim high and never say die,” ayon sa statement ng SBP at PBA.
Pinuri rin si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na siyang gumabay sa national team para maging matagumpay ito sa kabila ng ilang problemang kinaharap ng tropa.
Matatandaang ilang araw bago magsimula ang Asian Games, problemado ang Gilas coaching staff dahil sa accreditation ng ilang players.
Subalit nagawan ito ng paraan sa pagtutulungan ng SBP at PBA upang makabuo ng solidong Final 12 sa Asian Games.
Hindi rin matatawaran ang dedikasyon nina Gilas team manager Alfrancis Chua at deputy team manager at PBA commissioner Willie Marcial na katuwang ng tropa sa bawat hakbang nito.