Knights ibinalik ng Blazers sa ilalim | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Kumolekta si Miguel Oczon ng 15 points, 6 rebounds, 6 assists at 1 block para banderahan ang College of St. Benilde sa 68-55 pagrapido sa ‘three-peat’ champions Letran sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Pinaganda ng Blazers ang kanilang kartada sa 5-4 para sa fifth spot sa team standings, samantalang muling pinatikim ng kabiguan ang Knights na bumagsak sa 1-8.
Nauna nang yumukod ang St. Benilde sa Emilio Aguinaldo College, 76-78, noong Biyernes.
Sa unang laro, kumamada si point guard Jacob Cortez ng 17 points para tulungan ang San Beda University sa 86-72 pagtambak sa EAC.
Nasa four-game winning streak ngayon ang Red Lions para sa kanilang 6-1 record sa ilalim ng nangungunang Mapua Cardinals (7-1).
Nalasap ng Generals ang ikaapat na kabiguan sa siyam na laro.
Tumapos si big man Yulkien Andrada na may 14 markes at may 11 points at 11 rebounds si Jomel Puno para sa San Beda na iniwanan ang EAC sa third period patungo sa kanilang panalo.
May apat na puntos lamang si star player JP Maguliano para sa Generals mula sa mahinang 2-of-9 field goal shooting.
Samantala, lalabanan ng Lyceum Pirates ang Jose Rizal Heavy Bombers bukas sa misyong tapusin ang kanilang kamalasan.